Hindi ko maalala kung anong gusto kong maging nuon bata ako. Siguro dahil hindi ko na inisip yun. Ang naalala ko lang, lahat ng bagay, nawawala. Hindi permanente. Hirap lang. Nuong nasa elementarya pa ako, tanda ko pa yung isang lesson namin nuon. Ang sabi sa amin ng titser namin, hindi dahil bata pa kami ay huwag naming iisipin hindi kami mamamatay. Lahat ng bagay nawawala sa takdang panahon. Kahit sino at kahit ano pwedeng mawala. Nuong araw na yun, naisip ko, bakit pa ako mangangarap kung mawawala lang din naman. Mababalewala, dahil mawawala lang din ako. Alam kong nuong araw din na yun, wala na akong pinangarap. Highschool, hindi ko pa din alam kung ano ang gusto kong gawin pagkatapos. Madaming nagdidikta. Kumuha ka ng kursong ganito, ay hindi iba na lang, yung ano na lang. Kung anu-ano. Hindi ko naman mawari kung ano talaga. Napadidikta lang ako sa gusto ng iba. Nagkaroon ng counseling. Fourth year ako nuon. Tinanongako ng Guidance Counselor, "What course are you going to get when you'll go to College." Napaisip ako. Lahat ng nasa isip ko ay mga bagay na sinabi lang sa akin na kunin ko. Ang sabi ko, "Sir, I have listed on the paper you have given us the course that I want to get." Tiningnan niya ang papel, "Oh, you have here, Information Technology, Interior Design and ... " may isa pa, ngunit nakalimutan ko na kung ano yung isang isinulat ko nuon. Ang sumunod na sinabi niya, "Alam mo ba kung ano ang ginagawa ng IT?" Sa totoo lang, hindi ko pa talaga alam. Ang alam ko lang marurunong sila sa paggamit ng computer. Nuon naman kasi wala pang masyadong kumukuha ng kursong ganuon. Marahil ay mahal at isa pa, mahal din ang computer na kakailanganin sa kursong yaon. "Ok, good luck on your college." ang sabi niya at nagpasalamat na lang ako. Yung taong nakausap ko nuon, wala na rin siya ngayon. Huling nagkita kami sa Baguio. Kinamusta niya ako at tinanong kung anong kursong kinuha ako pagkatapos ay nagpaalam na kami sa isa't - isa. Yun ang huli hanggang sa nalaman ko na lang na wala na siya. College, masyado akong naging excited. Dahil sa kagustuhan kong makaenroll na at mamakapagbakasyon, pumasok ako sa isang computer school. Marami akong naging kaibigan. At ang sabi nga eh nadevelop ko ang aking self-confidence. Marami na akong pinangarap. Marami na akong gustong makamit at siyempre, marami ding hamon. Ang pagtatapos, isa ring hamon na kusang humadlang ngunit hindi ko hinayaan. Maraming bagay, maraming tao. Ngayon, may trabaho ako. Pero hindi ang trabahong pinangarap ko. Hindi ito ang gusto ko. Tinatanong ko din ang aking sarili kung nasaan na yung mga pangarap ng gusto ko nuon gawin sa buhay ko. Pagkagraduate ko ng college, pinangarap kong makapagtapos ng Masters at Doctorate. Para masulit ko at maramdaman ko yung totoong feeling ng isang "graduate". Yung feeling na hindi ko naramdaman nuong nagtapos akos sa Kolehiyo. Hanggang kanina naisip ko na lang, ang mga pangarap ko, nasa utak ko lang. Hanggang pangarap ko na lang ba iyon? Gusto kong matupad ang mga yun. Lahat ng yun. Ngunit ang pangarap, nakakamit, sa takdang panahon at sa tamang paraan. Pag-asa para sa pangarap? Meron pa ako niyan! Ika nga eh, "Patience is a virtue."